Win Tayong Lahat
WIN sa Exams
Sa mga minamahal kong magsisipagtapos ng high school,
Sa wakas, natupad na ang ating pangarap! Ang libreng tuition fee sa kolehiyo sa lahat ng state universities at colleges (SUCs) at local universities at colleges (LUCs) sa buong panig ng bansa ay naisakatuparan na sa pamamagitan ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Law.
Madalas kong sabihin na huwag tumigil o mapagod na mangarap. Maliit man ito o malaki, naniniwala akong darating ang panahon na ito rin ay ating makakamit. Tulad ninyo, pangarap ko na kayo ay makapagtapos ng kolehiyo, kaya naman bilang inyong Kuya sa larangan ng dekalidad na edukasyon, hinihikayat ko kayong mga mag-aaral na sipagan at galingan pa lalo sa inyong pag-aaral.
Ngayong abot-kamay na ang libreng edukasyon sa bansa, sulitin ninyo ang magagandang oportunidad na dala nito. Ipinapasa na namin sa inyong mga kamay ang disiplina at pangangalaga sa sariling kinabukasan sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa inyong edukasyon.
Hayaang magabayan at matuto sa pinaganda at pinadaling konsepto ng pag-review para sa bawat kabataang kakatapos lang ng high school, ‘tulad na lang ng ating proyektong WIN SA EXAMS College Admission Test Reviewer kasama ang MSA Academic Advancement Institute. Paglaanan ng sapat na oras na sagutan ang bawat paksang nakapaloob dito para mapaghandaang maigi ang entrance exam saan mang kolehiyo nais ninyong pumasok.
Sa bawat kabataang magkokolehiyo, patuloy lang kayong magsumikap. Mahaba man ang daang tatahakin, panigurado, malayo naman ang mararating dahil sa pagpupursigi at determinasyon ng bawat isa na makapagtapos ng kolehiyo.
Ito ang inyong Kuya Win, kasamang tutuparin ang inyong mga pangarap.
Maligayang pag-aaral sa inyong lahat!