Isang panalong araw sa inyong lahat! Lubos ang aming pasasalamat sa napaka-alab na pagsalubong sa amin ng ating mga kababayan sa Isabela at Kalinga. Nawa’y makatulong ng husto sa inyo ang iniabot naming suporta para sa ating mga estudyante at mga minamahal nating senior citizens.
Ngayon naman kami ay nasa lungsod ng Zamboanga. Ito ang tinaguriang Latin City sa buong Asia. Gaya ng inaasahan, sinalubong kami ng masiglang pagbati mula sa ating mga kababayan.
Hindi rin mawawala ang masasarap na pagkain na inihain sa amin lalo na ang mga sariwang seafoods mula sa Alavar Seafood’s House, ang pinakamatandang restaurant sa lungsod.
Ang lungsod ng Zamboanga ay kilala sa kanyang kagandahan at likas na yaman. Maraming imahe dito na kay sarap balikan na tiyak magbibigay sa atin ng alaala ukol sa ating kasaysayan.
Sa mga susunod nating kolum ay ikukwento namin sa inyo ang byaheng ito sa piling ng mga kababayan nating Chabacano.
Samantala, marami ang nananawagan ngayon sa lifestyle check para sa mga opisyal ng ating pamahalaan. Sa kabilang banda, mahalaga ito para malaman ng publiko kung tapat ba ang ating mga government officials sa pagdedeklara ng kanilang Statement of Assets and Liabilities o SALN.
Kung tutuusin, napakahalaga ng dokumento na nakasaad sa SALN. Ito ay dapat na ipa-notaryo bago tuluyan na isumite sa Civil Service Commission o CSC. Ibig sabihin, lahat ng idedeklara na ari-arian ng isang opisyal ay dapat na buong katotohanan lamang.
Pero paano kung ang deklarasyon ng SALN ay hindi nakabatay sa kung ano ang tunay na kayamanan ng isang opisyal ng pamahalaan? Tingnan na lamang natin ang ibinabatong kontrobersya ngayon kay PNP Chief Alan Purisima.
Base sa mga media reports, may malaking mansyon si Purisima sa San Leonardo, Nueva Ecija. Ang mansyon na ito ay may swimming pool at nakatayo ito sa apat na hektaryang lupain na hindi mo aakalaing maipapatayo ng isang indibidwal na simula’t sapul ay kawani ng ating Pamahalaan.
Base sa records, nakapangalan pa ito sa anak ng PNP Chief na kakapasa pa lamang sa Nursing Board Exams.
Kaya nga kung may isasagawang lifestyle check sa mga opisyales ng pambansang pulisya, dapat mauna itong isakatuparan ng Director General ng PNP. Dapat ay maging mabuting halimbawa si Purisima sa pagdedeklara ng tamang ari-arian na itinatadhana ng batas para sa mga opisyal ng pamahalaan.
Kamakailan ay inihain namin sa Kamara ang isang resolusyon para imbestigahan ang disciplinary system na ipinaiiral sa PNP. Sa tingin namin, kulang sa ngipin ang kapangyarihan ng Internal Affairs Service at National Police Commission para parusahan ng agaran ang mga tiwaling miyembro ng kapulisan.
Kung mapapatatag natin ang dalawang nabanggit na tanggapan na nangangasiwa sa pagdisipilina at nag-iimbestiga sa mga bugok sa mga iskalawag sa pulisya, mapanunumbalik natin ang integridad ng ahensiya na siyang pangunahing responsable sa peace and order ng ating bansa.
Source:
Sure Win Tayo kay Win Gatchalian
Bulgar
By Denver Trinidad
September 29, 2014