Isang panalong araw sa inyong lahat! Bumisita kami sa probinsiya ng Camarines Norte. Ito ay isang lalawigan na bahagi ng Bicolandia o Bikol region. Kung bibyahe kayo patungo dito sa CamNorte, aabutin kayo ng mahigit kumulang sa anim hanggang walong oras na biyahe depende sa traffic na inyong madadaanan sa mga probinsiya naman ng Laguna at Quezon.
Napakasarap pasyalan ang ating mga probinsiya dahil talaga namang mararamdaman mo ang tunay na katangian ng mga Filipino ang likas na mapagmalasakit at mapag-aruga sa kapwa. Hospitable ika nga. Sa aming pananatili ng ilang araw sa CamNorte, tunay na naging at home kami dito.
Bahagi ng aming papgpunta sa probinisya ay ang pagpirma ng mahal naming lungsod na Valenzuela sa tinatawag na sisterhood aggreement sa ilang mga bayan. Ito ay ang Jose Panganiban, Vinsons at Labo na halos magkakatabing munisipalidad na aming pinuntahan.
Ang pagkakaroon ng sisterhood agreement ng Valenzuela City sa ibat-ibang mga probinsiya ay matagal-tagal na rin naming ginagawa. At katunayan, nasa 50 mga bayan at lungsod na sa buong Pilipinas ang tinatawag naming sister cities o sister municipalities.
Napakahalaga nito at ang pangunahing layunin ay ang pagtutulungan ng ibat-ibang mga lugar upang makapagbigay ng tunay na serbisyo publiko sa mamamayan. Hindi lamang ang kaalaman sa negosyo at pamumuhunan kundi maging ang nauukol sa edukasyon at imprastruktura ay kabilang sa mga kasunduang aming nilalagdaan sa ganitong programa.
Samantala, bago po ang aming pagbisita sa CamNorte ay bumisita rin kami sa Cagayan de Oro City sa Mindanao. Maraming salamat sa ating mga kababayan doon na walang sawang umagapay sa amin sa buong panahon ng ginawa naming konsultasyon sa ating mga kababayan.
Hindi matatawaran ang mga ngiti ng mga kababayan nating taga Cagayan de Oro at ang mainit na pagtanggap ninyo sa amin ay nag-iwan ng hindi maipaliawanag na pakiramdam sa aming damdamin dahil punong-puno kayo ng kasiyahan at kagalakan.
Samantala, pinasinayaan na ang bagong state of the art building na Valenzuela School Of Mathematics and Science na dati ay tinatawag na Valenzuela City Science High School. Ang naturang gusali ay four-storey building na naglalaman ng 20 classrooms at kayang maka-accommodate ng 700 mga estudyante.
Inspirasyon sa amin ang pagpapatayo ng ganitong gusali para mapaunlad ang kaalaman ng ating mga kabataan sa science at mathematics. Katunayan nais namin na magkaroon ng kahit isang public math at science high school ang bawat kapitolyo ng ibat-ibang mga lalawigan sa buong bansa para makaagapay tayo sa lumalawak na industriyalisasyon at kaunlaran.
Isinulong namin sa Kamara ang House Bill 4801 na kilala sa tawag na Equitable Access To Math And Science Education Act. Sa panahon ngayon, dapat tuluyan na nating paigtingin ang ating pamumuhunan sa tinatawag na human capital. Kung payayabungin natin ang kaisipan ng mga bata sa science at math, malaki ang maaaring maibalik nito sa ating bansa sa hinaharap. Sabi nga, ‘ this is a worthy investment to make’.
Sa Pilipinas, ang pinakamalaking hamon ay ang sugpuin ang kahirapan, naniniwala kami na ang isa sa pinakamahalagang programa na tatapos sa paghihirap ng maraming mga Filipino ay ang pagpapalakas at pagpapaigting sa kalidad ng ating edukasyon.
Source:
Sure WIN Tayo kay WIN Gatchalian
Bulgar
Denver Trinidad
September 8