Win Tayong Lahat

WIN sa balita

Pagtiyak ng administrasyon para sa dekalidad na edukasyon ng mga guro

Pinapurihan ni Senador Win Gatchalian ang pagtiyak ng administrasyon sa pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay para sa mga guro, bagay na binigyang diin sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.

 

VALENZUELA CITY – Senator Win Gatchalian lauded the administration’s commitment to provide quality teacher education and training as part of the Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.30 Nov. 22 file. Photo by Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Tinutukoy ni Gatchalian ang ganap na pagpapatupad sa Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na naging ganap nang batas noong nakaraang taon at nabigyang diin sa PDP 2023-2028. Pinapatatag ng batas ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas maigting na ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).

Sa ilalim ng batas, mandato ng TEC na magtalaga ng pamantayan para sa mga teacher education programs upang matiyak ang ugnayan ng mga ito mula kolehiyo hanggang sa aktwal na pagtuturo.

Binigyang diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education na ang guro ang may pinakamahalagang papel sa edukasyon, ngunit nababahala siya sa mababang passing rate sa Licensure Examination for Teachers. Mula 2014 hanggang 2022, pumalo lamang sa 34% ang average passing rate para sa mga LET takers sa Elementary level. Sa Secondary level naman, umabot lamang sa 40% ang average passing rate.

Lumabas din sa Philippines Public Education Expenditure Tracking and Quantitative Service Delivery Study (PETS-QSDS) ng World Bank na hindi sapat ang kakayahan ng mga guro para ituro ang malaking bahagi ng K to 12 curriculum. Maliban sa English elementary teachers, ang pangkaraniwang guro sa elementarya at high school ay hindi nakakasagot nang tama sa kalahati ng mga subject content tests.

“Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon para sa ating mga kabataan, mahalagang tutukan din natin ang edukasyong natatanggap ng ating mga guro. Ngayong meron na tayong batas para sa pag-angat sa kalidad ng teacher education, kailangang tiyakin natin na maipatutupad ito nang maayos dahil ang ating mga mag-aaral ang lubos na makikinabang dito,” ani Gatchalian.

Tiniyak din ni Gatchalian, na siya ring co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang pagpapatupad pa ng mga reporma sa sektor ng edukasyon. Nilikha ng Republic Act No. 11899 o ng Second Congressional Commission on Education Act ang EDCOM II upang repasuhin ang sektor ng edukasyon sa bansa.

Magrerekomenda rin ang EDCOM II ng mga tiyak at napapanahong mga reporma upang isulong ang pagiging globally competitive ng Pilipinas sa parehong education at labor markets.