Win Tayong Lahat

WIN sa balita

Mga unibersidad sa Mindanao, nakisama sa laban kontra hazing

Isang panalong araw sa inyong lahat! Napakasarap ng naging biyahe namin sa ilang mga probinsiya sa rehiyon ng Mindanao. Ito ay ang Tawi-Tawi, Davao del Norte, Davao City at Zamboanga City.

 

Sa aming pagtungo sa mga nabanggit na lugar, muli naming naramdaman ang tunay na Filipino hospitality. Napakagaan sa kalooban ang makasalamuha ang ating mga kababayan lalo na kapag naririnig mo na ang kanilang mga kwento ukol sa kagandahan ng kanilang lugar.

 

Sa pag-ikot namin doon, bitbit namin ang aming advocacy na itigil, supilin, ipagbawal at itakwil ng tuluyan ang hazing. Ito ang itinatadhana ng panukalang batas na inihain namin sa Kamara, ang Servando Act o pag-amyenda sa umiiral ngayon na Anti-Hazing Law.

 

Sinimulan na namin ang grassroot campaign laban sa marahas na kultura at tradisyon ng hazing partikular na sa mga fraternities at sororities na nasa iba’t ibang eskwelahan sa buong bansa.

 

Natutuwa kami dahil ang kampanyang ito ay usap-usapan na sa iba’t ibang mga unibersidad at kolehiyo. Gaya ng pagtungo namin sa Mindanao State University sa Bongao, Tawi-Tawi, ang mga estudyante doon ay nagbigay ng kani-kanilang mga sariling mga pananaw hinggil sa hazing.

 

Kamakailan ay bumisita rin kami sa University of the Philippines sa Diliman campus sa Quezon City. Nanawagan kami sa mga administrators, faculty members at mga estudyante na suportahan ang Servando Act. Meron kasi silang malaking maitutulong bukod pa sa mahalagang bahagi na maia-ambag para matigil na ang hazing.

 

Katunayan, iisa naman ang sigaw at panawagan, dapat na itong itigil sa ating lipunan. Sa ngayon ang Servando Act ay nasa proseso na ng pagsasabatas. Pinipilit namin na mapagtibay ito sa lalong madaling panahon para sa kapakanan ng marami nating mga estudyante upang wala ng muling maging biktima ng karahasan sa eskwela.

 

Gaya ng aming sinabi sa harap ng mga estudyante sa Davao del Norte State College, wala naman masama na sumali sa mga organisasyon, pero huwag lang sa mga organisasyon na nagsasagawa ng hazing. Hindi lang kayo masasaktan kundi mapapahamak pa kayo.

 

Samantala, bumaba sa nakaraang survey ng Pulse Asia si Vice President Jejomar Binay para sa mga posibleng kandidato sa pagka-Presidente sa eleksyon na gaganapin sa 2016.

 

Mula sa dating 41 percent ay naging 31 percent na lamang ito at ang sinasabing dahilan ay ang isyu ng korupsyon na ibinabato sa kanya ng mga kalaban sa pulitika sa Makati City. Nag-ugat ito sa ipinatayong Annex building ng Makati City Hall na may ilang palapag para sa parking samantalang ang iba naman ay para sa dagdag na opisina ng Pamahalaang Lungsod.

 

Para sa amin, masyado pang maaga para husgahan ang pagbaba sa survey ni VP Binay. Alalahanin natin na nang tumakbo siya sa pagka-Pangalawang Pangulo noong 2010, kulelat sa survey si VP Binay pero pagkatapos ng halalan siya ang idineklarang panalo.

 

Katunayan nito na may kakayahan si VP Binay na makabalik sa maituturing na pansamantalang setback sa kanyang rating. Gayunpaman, dapat magsilbi pa din itong ‘challenge’ at ‘wake-up call’ para sa Bise Presidente dahil aminin man natin o hindi, mabilis lumipas ang panahon at ramdam na ramdam na natin ang panahon ng eleksyon.