Win Tayong Lahat

WIN sa balita

Bulacan State University tragedy: Isang Kapabayaan

Isang panalong araw sa inyong lahat! Maraming nagtatanong bakit nagkaroon tayo ng mahabang weekend ngayong buwan ng Agosto. Ngayon ay araw ng Lunes pero walang pasok sa eskwelahan at trabaho. Dahil ang araw na ito ay deklaradong isang ‘public holiday’.
Ginugunita kasi ng buong bansa ang National Heroes’ Day o ang araw ng ating mga bayani. Mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kalayaan.

 

Mahalaga ang araw na ito para ating kilalanin ang kanilang mga nagawa para sa ating bayan. Hindi dapat mawala sa ating paggunita ang gaya nina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. Del Pilar, Juan Luna, Gabriela Silang, Melchora Aquino at marami pang iba.

 

Ilan lamang ang mga nabanggit na pangalan sa mga kinikilalang bayani ng bayan. Pero para sa inyong kaalaman, ang National Heroes’ Day ay kumikilala rin sa iba pang mga bayani na hindi gaanong popular. Ibig sabihin, ang araw na ito ay para sa lahat ng mga bayani na nagtanggol ng ating kalayaan mula sa kamay ng mapanakop na mga Kastila maraming taon na ang nakakaraan.

Ang National Heroes’ Day ay itinakda tuwing huling Lunes ng buwan ng Agosto. Ito ang napiling araw dahil ito rin ang simula ng makasaysayang ‘Cry Of Pugad Lawin’ noong 1896 na naging daan sa paglulunsad ng himagsikan.

 

Dati ang okasyong ito ay isinasabay sa Bonifacio Day o tuwing Nobyembre 30 na siyang kapanganakan ng lider ng Katipunan. Pero sa bisa ng Proclamation Number 295 noong 2011, itinadhana ang sariling petsa kung saan dapat gunitain ng sambayanan ang kontribusyon ng lahat na mga bayani ng ating kasaysayan.

 

Makiisa po tayo sa paggunita at pagkilala. Napakasarap na sariwain ang kanilang mga nagawa para sa ating bansa. Ang ating mga bayani ang humubog sa ating kasalukuyang katayuan na isang malaya at bansang nagtataguyod ng demokrasya na may maunlad na ekonomiya.

 

Samantala, nakakalungkot ang nangyaring sakuna sa mga estudyante ng Bulacan State University. Nasawi ang pitong mag-aaral matapos ang kanilang field trip sa Madlum Cave sa San Miguel Bulacan.

 

Isang kapabayaan sa panig ng mga opisyal ng nasabing eskwelahan ang pangyayari dahil base sa mga paunang pag-iimbestiga, hindi umano nasunod ang mga guidelines at standard operating procedures sa pagsasagawa ng mga field trips.

 

Una, wala diumanong koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng bayan ng San Miguel ang field trip, pangalawa, hindi umano sinunod ang itinerary ng byahe ng mga estudyante, pangatlo, wala umanong waiver na pinapirmahan ang eskwelahan sa mga magulang, at pang-apat, pinilit na pinatawid ang mga bata sa Madlum river na lampas tao ang lalim.

 

Dahil dito, bilang miyembro ng Committee on Technical and Higher Education sa Kamara, nais namin kwestyunin ang mga opisyal ng Bulacan State University sa nakakalungkot na insidenteng ito.

 

Inaasahan namin na haharap ang mga opisyal ng nabanggit na eskwelahan sa nakatakdang budget hearing para sa 2015 proposed budget for State Universities and Colleges.

 

Dapat ay may managot sa pangyayaring ito at nakikiramay kami sa pamilya ng pitong estudyanteng nasawi.

 

Naniniwala kami na makaka-apekto ang insidente sa mga susunod na field trips ng ibat-ibang eskwelahan na isa sanang mahalagang sangkap para ganap na maituro ang sapat na kaalaman at kasanayan na isang pakinabang sa bawat mag-aaral.

 

Source:

Sure WIN Tayo kay WIN Gatchalian
Bulgar
Denver Trinidad
August 25