Nakahanap ng suporta ang isang 65-anyos na lola upang makapag-aral sa hayskul sa pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) program.
Isang bagay na ipinagkait sa kanya ng kanyang mga magulang.
Ayon kay Lola Rosita delos Santos, madalang pumasok ang kanyang apat na kuya sa eskwelahan kaya’t napabayaan nila ang kanilang edukasyon.
Related News: How to join Valenzuela City’s Alternative Learning System (ALS) program
Bilang bunso sa magkakapatid, pinili ng kanyang mga magulang na huwag na pag-aralin si Lola Rosita sa pangambang hindi rin niya seseryosohin ang pag-aaral.
Ngunit imbis na mawalan ng loob, sinikap niya na makapagtapos ng elementarya sa kanyang sariling pagsusumikap.
Upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa hayskul, lumuwas siya sa probinsiya nila sa Zamboanga del Norte papuntang Metro Manila.
Ngunit nang mamasukan siya bilang kasambahay, bigo si Lola Rosita na makatagpo ng amo na handang tumulong sa kanya upang maipagpatuloy ang kanyang edukasyon.
Sa kabila nito, nanatili pa rin kay 65-taong ginang ang kagustuhang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at makapagtapos ng hayskul.
Related News: 67-anyos lola muling nakapag-aral ng hayskul dahil sa ALS program
Kaya naman hindi siya nagatubiling sumali sa Alternative Learning System (ALS) program ng lungsod ng Valenzuela sa barangay city hall ng Coloong noong nakaraan taon.
“Sumali ako kasi gusto ko talaga makatapos. Nahihiya rin ako sa mga apo ko kapag nagpapaturo sila sa akin sa mga assignment nila pero hindi ko sila matulungan dahil hindi ko alam,” kwento ni Lola Rosita.
“Ngayon kahit papaano, natuturuan ko na sila at nasasagot ko na rin ang mga tinatanong nila sa akin,” dagdag niya.
Nagsimula ang ALS program sa lungsod ng Valenzuela noong 2000 at napayaman sa pamumuno ni Valenzuela City Congressman Win Gatchalian bilang alkalde ng lungsod mula 2004 hanggang 2013 upang bigyan ng pagkakataon ang mga matatanda at out-of-school youth upang muling matuto.
Sa ilalim ng programa, sumasailalim ang mga mag-aaral sa tatlong araw na learning session mula Martes hanggang Biyernes kada linggo sa loob ng 10 na buwan.
Hinahasa ang mga mag-aaral sa mga study session pagdating sa mga subject sa Filipino, English, Math, and Science, Kabuhayan at Likas na Yaman, and Pagpapalawak ng Pananaw upang makapasa sila sa accreditation and equivalency or A&E test ng Department of Education (DepEd).
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ni Lola Rosita ang resulta ng kanilang A&E test na inaasahang lalabas bago magtapos ang Abril.
Bagkus na panghinaan ng loob sa kanyang sinapit, sinabi ni Lola Rosita na ginawa niyang inspirasyon ang kawalan ng suporta ng kanyang magulang upang lalo pang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
“Wala akong galit sa mga magulang ko, may sarili silang dahilan kung kaya nila nagawa iyon. Kung hindi rin dahil sa kanila baka hindi ako nagpursige na mag-aral,” ani niya.
“Napakalaking tulong ng ALS sa mga kagaya ko, kaya sa mga batang may pagkakataon na makapag-aral sa isang normal na paaralan, huwag niyo itong sayangin dahil masarap at masayang mag-aral,” dagdag pa niya. (Camille Nepomuceno)