Win Tayong Lahat

WIN sa balita

Lola, makapag-aaral na sa kolehiyo dahil sa ALS Program

Photo by Fatima de Guzman

Hindi hadlang ang edad sa edukasyon.

 

Ito ang napatunayan ni Lola Restina Mendoza matapos niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa hayskul sa edad na 68 sa ilalim ng Alternative Learning System or ALS program ng Valenzuela City.

Ayon kay Lola Restina, nagawa niyang matapos ang 10 buwan na ALS program sa tulong na rin ng magagaling na instructional managers or IM ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela.

 

 

Related News: Senior Citizen continues her studies through ‘ALS’ Program

Dagdag pa niya, hindi niya kailanman naramdaman na matanda siya sa loob ng kanilang silid-aralan sa barangay city hall ng Coloong.

“Masarap mag-aral sa ALS, bukod sa matututo kayo dahil may mga mabait na mga IMs na gagabay sa inyo, magkakaroon pa kayo ng mga kaibigan,” sabi ni Lola Restina.

“Pakiramdam ko rin bumalik ako sa pagkabata at magkakaedad lang kami ng mga kaklase ko. Masaya, natututo ako,” ani pa niya.

Kwento ng 68-taong ginang, nahinto siya sa pag-aaral dala ng pagkamatay ng kanyang ama.

Sa murang edad na 13, kinailangan niyang tulungan ang kanyang ina sa paglalabada upang makaraos sa buhay.

 

 

Related News: What is Alternative Learning System (ALS)?

Kahit na nakapagtapos ng elementarya, aminado si Lola Restina na kulang ang kanyang nalalaman sa ilang mga paksa, gaya ng Math.

Kaya naman malaki ang pasasalamat niya na sumali siya sa ALS program ng pamahalaan ng lungsod ng Valenzuela sa barangay Coloong.

“Hindi ko alam kung ano ‘yang ALS na ‘yan pero sumama ako. Habang tumatagal nagustuhan ko kaya tinuloy-tuloy ko na at ito nga, isa na ako sa mga posibleng magtatapos ngayong taon,” kwento ni Lola Restina.

“Magaling ang mga IM namin. Sabi ko noon bobo ako sa Math pero ang sinabi nila sa akin, ‘Nanay walang bobo’. Totoo nga, kasi natuto ako,” dagdag pa niya.

Nagsimula ang ALS program noong 2000 sa Valenzuela City at napaunlad ng dating alkalde at ngayo’y Valenzuela City Congressman Win Gatchalian para bigyan ng pagkakataong mag-aral ang mga out-of-school youths at matatanda.

 

 

Other News: Priority hiring of HEIs staff affected by ‘K to 12’ to ensure ‘brain drain’ to be minimal

Sa ilalim ng ALS program, tinuturuan sa loob ng 10 buwan ang mag-aaral kagaya ni Lola Restina sa subject sa Filipino, English, Math and Science, Kabuhayan and Likas na Yaman, and Pagpapalawak ng Pananaw.

Sumasailalim ang mga mag-aaral sa ALS program sa tatlong araw na learning session mula Martes hanggang Biyernes kada linggo upang makapasa sila sa accreditation and equivalency or A&E test ng Department of Education o DepEd.

Sa ngayon, hinihintay nalang ng 68-taong ginang ang resulta ng kanyang A&E test na inaasahang lalabas bago matapos ang buwan ng Abril upang malaman kung makakapagtapos siya ng hayskul.

Inaasikaso na rin ni Lola Restina ang mga kakailanganin niya sa kolehiyo kung saan plano niyang kumuha ng kurso sa Agrikultura.

“Naunsyami ang pag-aaral ko, nagkaroon naman ako ng pagkakataon na ipagpatuloy ito ngayon. Bawing-bawi lahat ng mga paghihirap ko,” sabi niya. (Camille Nepomuceno)