High school dropout ka ba? Out-of-school youth? O kaya naman ay overaged student? Hindi mo kailangang mahiya kung gusto mong ipagpatuloy ang iyong pag-aaral.
May iba pang paraan para magkaroon ka ng elementary o high school diploma. Sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS ni Valenzuela City Congressman Win Gatchalian, makakapag-aral kang muli nang hindi nagbabayad ng matrikula.
Kailangan mo lang mag-apply para makasali ka na sa mga klase ng ALS na isinasagawa sa iba’t ibang barangay hall sa buong Valenzuela City.
- Pumunta sa pinakamalapit na barangay hall sa inyong lugar at hanapin ang kagawad na nakatalaga sa edukasyon.
- Ididirekta kayo ng kagawad sa guro ng ALS na nakatalaga sa bawat barangay.
- Ibigay sa nasabing guro, instructional manager o mobile teacher, ang mga dokumento na kailangan sa ALS tulad ng:
– NSO Certificate
– Brgy. Clearance o Brgy. Certificate of Residency. Isaad na ang dokumento ay gagamitin para sa ALS.
– 2 piraso ng 2×2 ID picture na may name tag
– 1 piraso ng 1×1 ID picture na may name tag
- Bilang aplikante ng ALS, kumuha ng functional literacy test para malaman ang inyong literacy level. Matapos ang isang araw, ilalabas na ang resulta kung ang modules na iyong pag-aaralan ay pang elementarya o pang-high school.
- Maaari nang magsimula ng pag-aaral sa ALS. Ipapaalam ng guro ang schedule ng mga learning sessions. Kung hindi sakto sa iyong personal na schedule ang oras ng ALS maaaring mag-ALS online or makipag-usap sa guro para sa isang mas flexible na schedule.
- Ang kabuuang pag-aaral ng ALS ay aabutin ng 10 buwan.
- Matapos ang learning sessions ang mga ALS learners ay magkakaroon ng apat na serye ng mock tests bilang paghahanda para sa kanilang Accreditation and Equivalency Test (AET) sa katapusan ng taon.
- Ang schedule ng AET ay manggagaling sa Department of Education (DepEd).
- Ang ALS learner ay kukuha ng AET sa nakatakdang petsa at lugar.
- Kapag pumasa na sa nasabing exam, maaari nang kumuha ng ALS para sa sekondarya o mag-aral sa kolehiyo o technical/ vocational school. (Fatima De Guzman)